
Kailan ba ‘to matatapos, pagod na pagod na ako. Gusto ko nang mamuhay ng maayos at payapa. Sa araw araw na ginawa ng Diyos, lagi akong nag iisip na baka mamaya may makakita sa akin, Na baka mamaya sa paglabas ko ng bahay bigla na lang may babaril sa akin at papatayin ako. Pagod na ako sa gantong sistema! Hindi pupwedeng lagi na lang tayong tatakbo, mag tatago. Kailangan may gawin ako.
​
Bukas na bukas, susuko na ako sa mga pulis, sasabihin kung ano talaga ang nangyari nang gabing iyon. Hindi ko naman iyon sinasadya, hindi ko naman yon ginusto! Dinepensahan ko lang ang sarili ko sa gagawin sa akin ng lalaking yon.
​
Hindi! Ano?! Dahil may posisyon ang pamilya nila? Kaya kakayanin lang nila ako? At anong sinasabi mong walang maniniwala sa akin? Dahil ba sa isa lamang akong hamak na waitress? Isang hamak na waitress sa bar na muntik ng magahasa ng kanyang anak? Dinepensahan ko lang ang sarili ko sa gagawin sa akin ng hayop na yon! Nag tatrabaho ako ng maayos, kumakayod ako para pandagdag sa pang araw araw natin, tiniis ko lahat ng pang babastos sa akin sa bar. tapos ganito lang ang maririnig ko? Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo? HIndi ko akalain na ganyan ang tingin mo sa akin, sa lahat ng tao ikaw ang mas nakakakilala sa akin at may alam kung ano talaga ang nangyare.
​
Alam kong mahirap silang kalabanin dahil isa sila sa mga sikat na pamilya sa lugar natin, maraming nakakakilala, maraming koneksyon pero kailangan kong ipaglaban kung ano man ang ibinibintang sa akin, kailangan kong linisin ang aking pangalan. Kailangang lumabas ang totoo, kung ano talaga ang nangyare noong gabing iyon. Alam kong natatakot ka para sa akin at sa kung anong puwedeng mangyare, pero kailangan ko itong harapin, kailangan ko silang harapin. Naniniwala akong may mga tao pa ring hindi nag papasindak sa yaman o kapangyarihan, na gagawin pa din ang tama at kung ano ang nararapat.
​
Alam kong nag aalala ka pero mas nag aalala ako sa kung anong puwedeng gawin nila sa iyo. Hinding hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may mangyare mang masama sayo. Susuko ako sa mga pulis, sasabihin ang totoong nangyare. Kung gagamitin man nila ang kanilang koneksyon para mapabaliktad ang kaso, okay lang, malugod kong tatanggapin iyon, dahil napatunayan ko sa sarili ko
na kaya kong lumaban. Pagod na akong maging duwag, pagod na akong mag tago, pagod na din akong tumakbo ng tumakbo. Eto na ang tamang panahon, para lumabas ang totoo.