
Sa mundong ito, maraming nakakikita pero nagbubulagbulagan. Maraming nakadidinig pero nagbibingibingihan. Marami ang kung tumalak eh pawang wala nang bukas pero kung kailan kailangan nilang mapakinggan, saka sila pawang umuurong ang mga dila’t nagiging mga pipe–dahil sa takot? Siguro. Pero kadalasan, dahil sa wala namang handang makinig, walang kayang maniwala.
Marami sa mundong ito ang mga bagay na nangyayari na hindi maintindihan ng ating mga mumunting utak. Mga bagay na sadyang sobrang sama, o tila sadyang nakalilito lang, mga bagay na nangyari sa nakaraan, nangyayari na sa kasalukuyan, at maaaring mangyayari pa lang sa hinaharap. At sa likod ng mga sirkumstansyang ito nakahimlay ang mga taong nagsakatuparan. Ang mga taong hindi mo aakalaing makakasira ng mga bagay–mga buhay, ang siya pa palang kayang makagawa ng krimen. Babae, lalaki, bata o matanda, kahit sino pwedeng maging suspek.
Sa buhay, walang “walang may problema”. Lahat nakararanas ng pait, ng sakit, at ng desperasyon na siyang dudulot sa ilan na kumapit sa patalim o makipagpatayan kay kamatayan. Hindi na’tin alam kung saan patungo ang buhay, isang malaking tanong ang bukas. Pero isa lang ang sigurado, bilog ang mundo–minsan nasa itaas ka, minsan nasa ilalim, at sa mga piling pagkakataon, minsan nasa loob ng kwadradong silid na rehas ang pinto. At hindi lang ito ‘yung karaniwang kulungan sa mga presinto, kundi ito yung klase ng kulungan na nasa kaibuturan ng ating kaluluwa’t konsensya. Wala kang kawala. Wala kang takas.
Ikaw sino ba ang pinagkakatiwalaan mo? Sigurado ka ba sa taong mga nakapaligid sayo?
Ang kwento nina Jeremy, Totoy, Bugoy, Hester, Adam, Hamed, Mike, Jane, Meliah, Angela, at Jak ay ilan lang sa mga kwento ng krimen at kaparusahan. Ang mga kwento siyang mumulat sa ating mga mata at magbubukas sa ating mga tainga sa kung sinu-sino ba ang nagbayad at nag-utos, ang nangabuso at nagtulak sa kabaliwan, at ang umabuso sa kapangyarihan para sa pansariling kapakinabangan. Tungyahan at pakinggan ang bawat salitang ihahayag ng bawat karakter tungkol sa sari-sarili nilang mga kwento ng buhay, sa mga karanasan nila sa malupit na’ting mundo, at sa patuloy nilang pakikibaka para sa hinahanap nilang pansariling kalayaan. Abangan ang mga rebelasyong mabubunyag at ungkatin kung anong kapalaran ang naghihintay sa kabila ng pagtahak nila sa madilim na landas.