top of page
274443373_1640710022935940_913368458472501098_n.jpg

Wag mo kong ma-Angela Angela!! Yung tanong ko ang sagutin mo, nasaan ang kapatid ko?!

Jan ka lang! Jan ka lang! Wag kang lalapit! Ipuputok ko to... wag kang lalapit!

Pagusapan? Anak?... Eight years... Walong taon, Papa. Walong taon kong di narinig sayo yan ahh. Anak mo pa pala ako? 

Nalimutan mo na, Pa?

​

Alala mo, Wala pang isang buwan na namamatay si mama, iniwan mo na kami agad sa Tondo. Sabi mo isang buwan ka lang sa Bulacan. Sabi mo babalikan mo kami kina Tia Alba. Sabi mo babalik ka agad kasi sabi mo di mo kayang malayo sa amin ng matagal. Sabi mo--sabi mo mahal mo kami.

​

TANGINA! KUNG TALAGANG MAHAL MO KAMI, DI MO MASISIKMURANG IWAN KAMI NG GANUN GANUN LANG–DI MO HAHAYAANG MAGING IMPYERNO ANG BUHAY NAMING MAGKAPATID!?

​

Akala mo ba maayos ang pakikitungo sa amin ni Tia Alba? Na na minahal niya kami ng buong buo kagaya ng inaasahan mo?--HINDI! Hindi mo alam kung anong pinagdaanan naming magkapatid sa pinsan mong yun! Inalila niya kami. Pag hindi namin siya nasunod, sasaktan niya kami.

​

Ilang taon lang kami nun pa. Ilang taon lang si Geline non? Wala pa nga akong trese nung mawala si mama. Si Geline, onse lang. Kaya nga diba, alala mo? Ilang beses kitang tinext at tinawagan, pero wala... lagi kang nagmamadali, laging di mo pa kami kayang kunin kasi wala ka pang matinong trabaho, at laging “Konting tulog na lang, paggising mo andyan na si Papa”. pero ano? Putcha papa, nakailang tulog na ako wala ka pa rin ehh. Inintay ka namin pero wala ka naman.

​

Tapos pagkatapos ng tatlong taon, malalaman kong gumagamit ka na. PUTANGINA, PA! Naisip mo man lang ba kami sa tuwing hihithit ka ng PUTANGINANG SHABU MO? Naiisip mo man lang ba na sa mga gabing di ka sumasagot sa mga tawag ko, halos baliktarin ko na yung buong Bulacan, mahagilap ka lang? Alalang alala kami sayo non. Kasi baka bukas makalawa, nasa balita ka na rin—nakahandusay dun sa kalsada.

​

SINABING JAN KA LANG EH, WAG KANG LALAPIT! [pause] Alam mo yung masakit, Pa... yung iniwan rin ako ni Geline. Yung mas pinili niyang makasama ka kesa sa akin. Well—di ko naman siya masisisi. Sinasaktan siya, tapos wala akong magawa, di ko siya mapagtanggol kay Tia Alba. Kaya, di ko siya pinigilan. Tangina pa! Nung mamatay si mama, tapos iniwan mo kami, pinili kong wag nang magluksa. Ayokong makita ni Geline na mahina ako. Kasi ako yung ate, ako dapat yung sasandalan niya kasi kung hindi ako, sino? Pero sa sobrang bigat, di ko namalayan na unti-unti nang lumalayo ang loob niya sa akin. Tapos sumama siya sayo dito, sa Caloocan. Akala ko magiging ok na. Tinanggap ko na eh. Na ako na lang magisa. Akala ko ok ka na. Pero TANG INA! HINAYAAN MO. AT DI LANG BASTA HINAYAAN, IKAW PA MISMO ANG PUMILIT KAY GELINE NA LUMAPIT SA BOBBY NA YON. HINIPUAN. HINIPUAN ANG ANAK MO!. 16 LANG SIYA NON, PA! ANONG KLASE KANG AMA? NASA HARAPAN MO... PUTANGINA!

​

Di pa ako tapos!

Geline?? Geline andito ka!

Geline, andito ka Sabi ko na babalik ka eh...

Geline anong nangyari sayo?

Binaboy mo... Binaboy mo ang kapatid ko. Ginahasa mo si Geline.

Pinatay mo ang kapatid ko!!! Ikaw! IKAW ANG PUMATAY KAY GELINE!! PAPATAYIN KITA!

Tapos ano? Pagbinaba ko yung baril, ibabalik mo ko sa Mental?— Bakit? Kasi di mo kayang makasama ang anak mong may sayad? Sayad na ikaw mismo ang may pakana. Dahil ikaw ang ama ko at dugo mo ang nananalaytay sa ugat ko. –Wala kang alam. Wala. Kang. alam. Di mo alam kung gano kasakit tusukin ng karayom araw araw. Di mo alam kung gaano kahirap mabuhay na di mo sigurado kung yung mga nakikita mo ba sa paligid mo ay totoo. Di mo alam kung gaano kahirap mabuhay ng puno ng takot na baka may pumatay sayo.

​

Wag kang magalala, di naman ako pumunta dito para saktan ka. Hinahanap ko lang si Geline. Nasan siya? Pinatay mo siya. Nandun ako. Pinatay mo siya. Nakita ko.

​

Gusto kitang patayin. Dahil sa mga ginawa mo sa amin magkapatid. Pero di ko gagawin kasi, masyadong madali. Masyadong mabilis. Kaya... ako na lang. 

​

Nasaan siya?

© 2022 Lantaw Productions.

Krimen at Kaparusahan

bottom of page