
Ah, wala to. Tinitignan ko lang kung saan sa mga damit ko yung gusto ko pang gamitin tsaka yung pwede nating ma-donate sa barangay. Nakausap ko si cap kanina kaya naisipan ko nang mag halungkat. Gustong gusto nga raw niya tuwing nagdo donate tayo dun. Haha Sabi niya kung ginawa daw nila yung ukayan, Malamang malaki kikitain ng barangay sa dami ng damit na pinapamigay natin
​
Bakit ko tinatakpan? Ah hindi, nahihirapan kasi akong pumili kaya mamaya ko nalang siguro titignan. Sorry ginulo ko pa yung kam-
​
Hindi, hindi, Hindi ako aalis. Nag aayos lang talaga ako ng damit ko. May mga naiwan lang na damit diyan sa bag galing sa dati nating alis. Ang dami pala naming napag usapan ni cap. May naging kaso raw sa kabilang road na pinag chichismisan ng kapitbahay. Hay mga kapitbahay talaga, hindi matahimik sa sarili nilang buhay kaya nangengealam ng buhay ng iba. Pahirap eh no? Hindi ka makahanap ng katahimikan dito satin. Saan ka pala nanggaling? Wag mong sabihing nanggaling ka sa - police station? Ang dami raw pinapapunta dun nitong mga nakaraan dahil nagtatanong sila tungkol sa lalaking nahulog sa building. Grabe rin intriga ng mga tao doon. Kawawa nga yung lalaki eh, mataas taas rin kasi yung building na kinahulugan niya. Nako, pasalamat nalang talaga ako’t hindi ko yun nakita gamit sarili kong mga mata. Hindi ko alam kung kakayanin ng tiyan ko.
​
Magagawa mo ba sakin yun? – Nakita ko sa drawer yung baril na tinatago mo, ilang lingo na. Hindi ko alam kung kailan pa pero matagal mo na siguro yang nililihim sakin. Nung isang gabi na sinabi mong makikipag-inuman ka, nabalitaan ko na may namatay nung gabing ‘yun. Buti nalang chineck ko yung drawer tapos pagtingin ko wala na yung baril. Ano? Saan yun nagpunta? Naglakad palabas tas gumala-gala? Ano ako, tanga? Nagtanong-tanong na ako sa kung anong nangyari. Para maging handa. Nalaman ko kela Ate Chiki na nakipag away ka raw, tas naglabas ng baril. Sabi, buti nalang naawat at wala raw natamaang tao nung pinutok mo. Yun ang inaakala ng lahat, tapos nakita ng pahenante sa kalapit na building na may katawan sa ibabaw ng lupang nililipat niya. May daplis sa ulo, naka tuhog na parang kikiam sa palang naiwan niyang nakatayo. Iba talaga ang tadhana na pinaihi yung pahenante sa eksaktong oras. Badtrip siguro yun no? Iihi ka lang tas pagbalik mo may patay na katawang naka handusay sa truck mo. Galing chumismis ng kinakasama mo ano? Tinawagan rin kasi ako ng pulis. Nakita raw nila pangalan ko sa letter na hawak nung bangkay. Syempre sinabi nila sakin kung sino yung namatay. Si Sam. Si Sam yung namatay.
Alam kong alam mo na yung totoo. Alam kong alam mo na kung ano meron samin ni Sam. Pangako, nung unang mga linggo naguilty ako kaya umiwas kagad ako, sadyang nagungulit lang talaga siya. Sa ilang linggo na yun pakiramdam kong baka kutobin ka na pero hindi ko akalaing malaman mo kung sino kasi hindi naman siya kilala dito, pero magaling ka eh. Isa ka sa mga pinaka matatalinong taong nakilala ko kaya nagulat ako kung bakit ka basta nakipag-away sa inuman. Ikaw rin yung taong kilala kong hindi naniniwala sa tadhana pero gumagawa ng sarili nilang tadhana. Malakas kutob ko na pinlano mo to lahat kasi walang kasong naisampa laban sayo dahil ligaw na bala lang raw, di ba? Ang talino mo talaga. Kakilala mo rin ba yung pahenante? May plano ka pa bang iba?
​
Ako na ba isusunod mo o ikukulong mo ko dito?