top of page
274227633_4874679785987182_587011225622016714_n.jpg

Nakita ko siya. Nakita ko na siya.

Kung dati sa panaginip lang siya nambubulabog, andito na siya ngayon. Dito sa realidad. Dahil ito ang katotohanan.

​

Ayaw ko na…

Alam ko pagod ka na rin… pero wala e.

Kung napigilan lang kita noon, sana hindi nangyayari at nagpaparamdam ‘tong mga ‘to. Pero wala akong nagawa. Natahimik ako. Pero kahit naman siguro magsalita ako noon ‘di mo parin ako maririnig dahil nabibingi ka ng sarili mong galit.

​

Wag na tayo magbiruan dito. Walang dahilan para gawin mo ‘yon sa kanya. Kahit ano naman siguro ang ginawa sayo ng tao, wala kang karapatan para kumuha ng buhay.

​

Diyos ka ba? Nakalaya ka nga sa bilangguan, pero nakalaya ka nga ba talaga kung naka-kadena ka parin sa kasalanan na ginawa mo?

​

Sige nga simulan nga natin sa una.

Bakit mo ‘yon ginawa? 

Sa pagkaka-alam ko babae siya ng nobyo mo. Yung nobyo mo na nagparamdam sayo ng sobra-sobrang pagmamahal. Kaya nung nalaman mong may babae siya, anong ginawa mo? Inabangan mo agad, sinugod mo at ayon… 

​

tapos saka mo itinapon yung katawan. 

Nagbunga ba yung ginawa mo? Binalikan ka ba ng karelasyon mo? Hindi. Malinaw pa nga sa mga mata niya yung pandidiri mismo sa’yo. Tapos anong nangyari? Nahuli ka agad ng mga pulis. Nakakatawa nga – di ko alam kung nagkataon lang – kasi kaka-bente mo palang nung taon na yon tapos biglang mareregaluhan ka pala ng bente taon na pagkakakulong. Haha.  

Imbis na mukha ng nobyo mo ang araw-araw mong makita, hindi e. 

​

Aaaaah so doon na nga nagsimula ang araw-araw na pambubulabog niya sayo.

‘Di na rin pinatahimik utak ko e. 

Andito na talaga siya! Mali talagang pinanood ko lang yung ginawa mo sa kanya. Sana nagsalita nalang ako!

​

Makinig ka. Kanina lang ‘to nangyari. Siguraduhin mong hindi mo nanaman ‘to ibababon sa limot ha. May babae. May babaeng iika-ika sa tapat ng Megamall kanina. ‘Di ko na sana isasakay kasi last trip ko na pero umaambon kasi e. ‘Di ba may awa parin naman ako! Maganda naman siya. Sa tuwing titignan ko siya sa rear-view mirror e makikita ko din na nakatitig siya sakin.

Ibinaba ko siya sa tapat ng bonggalo sa Boni, lampas ng Ortigas, tapat ng iskinita… Martirez… Martinez? Inaantay ko siya don bumalik kasi ‘di pa nagbayad e. Andilim pa naman ng paligid. 

Napalingon ako doon sa inupuan niya at don ko nakita yung wallet. Hindi naman akin ‘yon kasi nakapa ko sa bulsa ko yung sakin. Naisip ko baka nahulog nung babae nung pababa siya. 

Kinuha ko saka ko binuksan. Walang laman bukod sa lumang voter’s ID.

Eto ha, di ako naniniwala sa mga kababalaghan e pero sakin na mismo nangyari e. Pagtingin ko sa voter’s ID… mukha mo yung laman – OO ALAM KO INIISIP MO “ANONG KABABALAGHAN DON?”

Pero nang makita ko ‘yon, doon na nagtagpi-tagpi lahat. Yung iika-ikang babae na naisakay ko, yung lumang voter’s ID… tapos lumingon ako sa paligid kung san ko siya binaba…  SEMENTERYO!! WALA NI ISANG BAHAY!

Pagkatapos non pinaharurot ko na yung sasakyan at dumiretcho na dito.

Sinasabi ko sayo lagi ‘tong mangyayari! Bibisita siya lagi sayo at hindi na sa panaginip, lalapit na siya mismo sayo para ipaalala yung ginawa mong pagpatay sa kanya!

 BAKIT MO GINAWA YON.

Ayaw mo na din diba? Pagod ka na din diba? Di mo na kaya diba?

Siguro naman di ka na niya masusundan sa kabilang buhay – sa langit o sa impyerno man ‘yan.

​

Dapat lang naman ‘to diba? 

Papatayin din lang naman ako ng konsensiya ko dahil sa kanya. Kasalanan ko rin ‘to. Buhay kapalit ng buhay na kinuha ko. 

Pano ako napunta sa ganito?

Alam ko pagkatapos nito sa impyerno ang punta ko. Pero mas mabuti na ‘yon dahil wala nang mas impyerno pa dito sa araw-araw na pagsisisi. Magpapatuloy lang ‘to hanggat nabubuhay ako. At ayoko na. Pagod na ako. 

Hindi ko matatakasan ang konsensya.

Hindi namamatay ang hustisya. 

Pero ako… oo.

Patawarin ako ng Diyos.

© 2022 Lantaw Productions.

Krimen at Kaparusahan

bottom of page