Adaptation Process
Part A: Development of Performance Text
Time
Walang partikular na oras ang ibinigay sa akda. Pero kung bibigyan ko man ng oras base sa mga nabasa ko, ang sa tingin kong oras ng mga pangyayari ay sa kalagitnaan ng hapon. Tipong papalubog na ang araw. May mga kasabihan na ang paglubog ng araw ay sumisimbolo sa katapusan. Dahil sa mga pangyayari sa Ti Mama, naaangkop ang “agaw-dilim” na oras sa mga tagpo dahil tatapusin na ni Boyet ang kung ano mang kademonyohan ng ama.
Ang oras na ipinahiwatig sa teksto ay isang gabi kung saan kauuwi lang ni Betong galing sa labas. Kaya gabi ang napili kong oras ng mga tagpo, dahil tulad ng gabi, madilim rin ang nilalaman ng kwento ni Angela pati ng kanyang nakababatang kapatid at ama.
Place
Ang tagpo ay naganap sa poder ng pamilya ni Jesse. May dalawa o higit pang palapag ang bahay at sa loob nito, sa may hagdanan, naganap ang mga pagtatagpo.
Ang tagpo ay naganap sa poder ni Betong sa Caloocan. Ita itong bungalow type ng bahay. Sa hallway papunta sa mga kwarto, naganap ang mga eksena. Madilim at tanging ang ilaw lang sa labas ang pinagmumulan ng ilaw rito
Character
Jesse - Ang ama ni Boyet at kinakasama naman ni Maryanne. Mainitin ang ulo at mainipin. Boyet - Ang tatlong taong anak ni Jesse at Maryanne. Maliit ang boses pero malakas ang loob. Mahal na mahal niya ang ina at handang gawin kahit pa saktan ang sariling ama para minamahal niyang Mama. Maryanne - Ang biktima. Ina ni Boyet na pinaslang ng sariling asawa si Jesse.
Betong - Ang ama ni Angela at Geline. Isang dating pulis na nasisante dahil sa pag-aadik. Maagang na biyudo. Angela - Panganay na anak ni Betong. Dalawampung taong gulang. Mayroong sakit sa pag-iisip, schizophrenia. Lumaki sa Tondo. Labis ang pagmamahal para sa kapatid niyang si Geline. Geline - Ang bunsong anak ni Betong at nakababatang kapatid ni Angela. Pinatay ng ama matapos itong gahasain. Isang aparisyon sa kwento.
Plot Development
Title
Ti Mama Ito ang paulit-ulit na binabanggit ni Boyet. Mayroong “dynamics” ang bawat pagbigkas niya ng dalawang salitang ito.
Ang una at huling binanggit ni Angela. Mayroon ring pagkakaiba sa pagbanggit ng dalawang salitang ito. Noong una, mas galit na hinahanap ang kapatid, sa pangalawa, parang sarkastiko na lang.
Beginning
Nagsimula ang kwento nang magitla si Jesse sa tatlong taong gulang na anak na si Boyet, unat ang dalawang kamay habang hawak ang baril na nakatutok sa ama. May bitbit siyang pamunas at alkohol, at paakyat na sana sa hagdan, pabalik ng kwarto ng makita niya ang anak.
Magsisimula ang monologo, sa pagtugtog ng “Ili-ili Tulog Anay” isang Hiligaynon Lullaby tungkol sa isang ate o “mother figure” na nagpapatulog sa isang sanggol habang ang nanay ay umalis para bumili ng tinapay. Habang tumutugtog ang awit na ito, pinakita ang nangyari bago pumunta si Angela sa tinitirhan ng ama. Nasa loob siya ng isang “closet” kung saan mayroong nakasabit na scrubs ng nars at ito ay sinuot niya at nagpanggap na nars upang makatakas sa mental. Inintay ni Angela ang ama. “Nasaan siya?!” sambit ni Angela nang hindi sumagot ang tulala at gulat na gulat na amang si Betong. Sinong hindi magugulat kung ang alam niya ay nasa mental ang anak pagkatapos ngayon ay nakatayo sa harapan niya, unat ang dalawang kamay habang hawak ang kanyang baril na nakatutok mismo sa kanya?
Middle
Sinubukan ni Jesse na paamuhin ang bata. Naging mahinahon at naging mainitin ang ulo niya pero hindi natinag si Boyet. Paulit-ulit niya lang na binibigkas ang “Ti Mama”. Ngunit mas sinasabi niya ito upang sabihin na “wala nang buhay si mama, nakita kong pinatay mo siya” kaysa sa simpleng hinahanap lang ang ina.
Sa bahaging ito maglalabas na ng sama ng loob si Angela para sa Ama. Uungkatin niya ang hirap at sakit na naranasan sa piling ng Tia Alba, pinsang buo ni Betong. Sunod ang paggamit ng ama ng ilegal na gamot. Sunod ang paghintulot niya sa barkadang si Bobby na hipuan ang ngayong 16 taong gulang na Geline, ang nakababatang kapatid ni Angela na mula’t sa simula, ay ang taong hinahanap niya. Magpapakita ang kapatid ni Angela na si Geline. Isang aparisyon ng babaeng luhaan, sugatan, at punong puno ng pasa sa katawan. Pagkatapos ay malalaman ni Angela ang rason ng pagkamatay ng kapatid. Binaboy, pinagsamantalahan, ginahasa ng ama ang kapatid ni Angela bago ito tuluyang patayin.
End
Nang subukin ni Jesse na bilugin ang utak ni Boyet at paniwalain na “natutulo lang” ang ina ng bata, ipinutok ni Boyet ang baril. Alam niya kung anong nangyari sa ina. Alam niya kung para saan ang alkohol at pamunas. Alam niyang wala na ang ina at ang sarili niyang ama ang kumitil rito.
Dito na lantarang mababanggit ang tungkol sa sakit ni Angela na schizophrenia, isang uri ng sakit sa pag-iisip kung saan nakararanas ang taong schizophrenic ng paranoia, delusyon, halusinasyon, at iba pa. Ito ay maaaring makuha kung parehong magulang o isa sa magulang ng pasyente ang may history ng sakit na ito or maaari rin namang dulot ng matinding stress, trauma, o droga. Schizophrenia ang rason kung bakit nasa mental si Angela sa simulang bahagi. Dahil sa nakaraan niya at dahil na rin sa Schizophrenic rin ang ama. Pagkatapos ay magpapakamatay na si Angela gamit ang baril ng sariling ama. Ipapakita rin sa dulo ang muli na namang nakatayo si Angela, unat ang dalawang kamay habangang hawak ang baril na nakatutok sa ama at sabay sambit nito ng “Nasaan siya” sabay ngiti.
Definition of Terms
Denotative Definition.
Baril - isang armas na kinakalabit ang gatilyo upang pumutok
Tondo - isang pook sa Maynila.
Pulis - Propesyon. Mga nagpapanatili ng kaayusan sa isang pook o lugar. Kadalasang armado
Angela - pangalan ng isang babae na ang ibig sabihin ay anghel.
Pagpapakamatay (Suicide) - ang pagkuha sa sariling buhay.
Impyerno - ayon sa biblia, ito ang lugar kung saan napupunta ang mga kaluluwang noong nabubuhay pa ay hindi gumawa ng mabuti o nagdulot sa kapwa ng sakit at dusa.
Contextual Definition
Baril - kapangyarihan
Tondo - magulo, asal ng isang tao (asal Tondo) na kung umasta ay pawang mga matatapang na laging naghahanap ng away o gulo; Palengkera o malakas ang boses
Pulis - mga alagad ng mga may kapangyarihan at mga nakaupo sa pwesto.
Angela - mabait, mala-anghel
Pagpapakamatay (Suicide) - “Gamot” o “solusyon” sa sakit o problema ng isang taong mayroong mabigat na pinagdaraanan
Impyerno - lugar kung saan sobrang init, magulo
Recontextualized Definition Baril - armas para sa pansariling kalayaan
Tondo - impyerno. Mainit, magulo, puno ng pait, kapighatian, at pagdurusa.
Pulis - alagad ng batas na siyang gumagawa ng kabulastugan sa pamayanan.
Angela - babaeng punong puno ng galit, at muhi sa sariling pamilya.
Pagpapakamatay (Suicide) - daan para makatakas at magdulot ng panghabambuhay na kaparusahan sa iba.
Impyerno - pagdurusa
Character Sketch

Ako si Angela Sta. Maria. Bente añoz na babae. Ako ay Pilipino–ipinanganak at lumaki sa Pilipinas. Maagang naulila sa ina at iniwan naman ng ama sa pinsan niyang nangmaltrato sa aming magkapatid sa loob ng maraming taon. Dahil sa dulot na trauma ng aking nakaraan, kasabay nang history ng Schizophrenia sa pamilya ng aking ama, ako ay na-diagnose na mayroong Undifferentiated Schizophrenia, ito ay isang uri ng schizophrenia kung saan ang mga pasyenteng tulad ko ay nakararanas ng delusions, hallucinations, at di organisadong pag-iisip o paguugali, subalit hindi pasok sa criteria ng iba pang uri ng schizophrenia tulad ng Catatonic, Disorganized, Paranoid, at Residual Schizophrenia. Dahil sa sakit kong ito, ako ay dinala sa Mental Hospital at duon ko naranasan ang mas mala-impyernong buhay kaysa sa kalupitan ng aking Tia Alba. May mga araw kung saan hindi ko alam kung nasaan ako. May mga araw na sobrang lungkot ko, o di kaya’y sobrang saya ko, sa di ko malamang dahilan. May mga araw na nakakakita at nakakakausap ako ng mga taong ayon sa mga nars at doktor, di naman totoo. Nakakapagod. Kaya tumakas ako, suot ang ninakaw kong uniporme ng nars sa supply closet, di man lang napansin ng mga tao duon, na nakasalubong ko, na isa akong mental patient kaya tuluyan akong nakalabas ng impyerno. Ako ay lumaki sa Tondo, Manila. Duon ko naranasan ang lahat ng sakit at pagmamaltrato ng Tia Alba. Ngunit sa pagkakataong ito, ako ay matatagpuan ng aking ama na nakatayo sa pasilyo ng kanyang munting apartamento sa Caloocan. Madilim ang paligid dahil kalagitnaan na ng gabi. Nakapatay ang ilaw sa sala at kusina, at tanging ang ilaw lang sa labas ng bahay ang pinagmumulan ng malabong liwanag. Di-hamak naman na masmalaki itong tinutuluyan niya kumpara sa bahay ni Tia Alba. Di-hamak na masmalinis naman ang lugar kumpara sa nakakasulasok na amoy ng kanal sa Tondo. Magulo lang ang bahay niya pero di-hamak na mas kumportable ang pamumuhay niya kumpara sa buhay namin ni Geline. Habang wala pa si Papa, pinasok ko ang nirerentahan niyang apartment. Hinanap ko si Geline pero walang tao sa loob. Sinilip ko yung mga kwarto, wala. Tapos nakita ko ang baril ni papa na nasa loob ng drawer niya sa kwarto. Kinuha ko ito at pinagmasdan ng maigi. Hinawakan ko ang hawakan ng baril at itinutok sa bintana. Tapos narinig kong may nagbubukas ng pinto. Lumabas ako ng kwarto, dala ang baril.